Hanapan ang Blog na Ito

Linggo, Hunyo 14, 2015

Mga bata sa tuwing umuulan (outdoor)




Hindi naman sa lahat ng pagkakataon pinighihigpitan tayo ng mga magulang natin noong mga bata pa tayo. May mga pagkakataon din namang pinapayagan nila tayong maligo sa ulan, at kapag dumating yun sandali na pinayagan tayo, halos magtatatalon tayo sa tuwa palabas ng bahay.
Syempre bilang bata ay maghahanap ka na naman ng pwede mong gawing kasiyahan habang naliligo ka sa ulan,hindi yung puro lang tayo tambay sa alulod ng kapitbahay. Kahit anong lamig ng tubig ay hindi natin 'yan iniinda, kahit pa umihip ang malakas na hangin ay hindi tayo patitinag.
Minsan lang'to. Minsan lang tayong payagan na maligo sa ulan kung kaya't sinusulit na natin 'yan.

Isa sa pinakamadalas laruin sa lugar namin ay ang batuhang putik. Kung pakikinggan ay parang maruming laro, pero may technic diyan. 'Wag kang magsusuot ng puting damit. Oo, 'wag kang magsusuot niyan dahil kapag nagsuot ka niyan at naputikan, panigurado hindi ka na muli pang papayagang maligo sa ulan. Kung puti ang suot mo syempre maghubad ka na lang, kung babae ka naman at ayaw mong hubarin mamimili ka lang; maglalaro kang nakadamit o hindi ka maglalaro.
Madali lang ang konsepto nitong laro, bubuo lang ng dalawa o higit pang grupo, pero hangga't maaari ay dalawang grupo lang. Wala talaga itong rules o batayan kung sino ang panalo basta batuhin mo lang ng batuhin ang kalaban mo.
Masarap laruin ito lalo na sa mga batang gaya ko na mahilig magtatatakbo noon. Madalas man akong pagalitan ng mama ko, sulit naman ang paglalaro ko.

Nilalaro din namin ang iba pang mga laro na nilalaro namin kahit hindi umuulan gaya ng mata-mataya. Luksong baka o tinik, taguan atbp.

Bibihira ang mga pagkakataon sa mga batang tulad ko ang makapaligo sa ulan kung kaya isa ito sa mga napaka memorable sa aking alaala. Ikaw ba anong karanasan mo noong bata ka sa tuwing umuulan? Kwento ka naman sa pamamagitan ng pagcomment sa ibaba.

Miyerkules, Hunyo 3, 2015

Ang mga bata sa tuwing umuulan (Indoor)

Nakatanaw sa bintana at hinihintay tumila ang ulan. Iyan ang eksena natin nung mga bata pa tayo sa tuwing uulan. Minsan pa nga gumuguhit pa tayo sa mga lupa ng pagkarami-raming araw sa tuwing nagdidilim ang kalangitan.
Syempre ayaw natin noong umulan dahil alam nating pauuwiin tayo sa ating mga bahay at doon lang hangga't hindi tumitigil ang ulan. Malungkot iyon dahil walang makakalaro sa bahay lalo na kung nag-iisang bata ka lang sa inyong bahay. Ngunit ganon pa man nahahanapan natin ng sulusyon iyan dahil likas na malikhain ang isip natin noon at sabik tayo sa paglalaro.
Ito ang ilan sa kanila;


                                                                        Toys

Napakarami nating mga laruan nung bata pa tayo, mga robots, toy cars, mga laruang makokolekta sa mga kiddie meal o happy meal ng fast food, maging mga doctos set, kitchen set, barbie, doll house at iba pa. Naalala mo pa ba? Diba karamihan sa mga iyan ay nakalagay sa isang malaking kahon o di kaya ay nakadisplay sa kwarto mo tapos kukuhain sa tuwing umuulan. Tapos kapag tumila na ang ulan ay iiwanan mo ang mga iyan na nakakalat sabay labas tapos pagagalitan ka ng nanay mo pag-uwi mo dahil hindi mo niligpit ang kalat mo kanina.
Diba ang sarap alalahanin ng mga ganyang panahon?


                                                                      Mga papel

Kung minsan nakakasawa ding laruin ang mga laruang binili sa'yo ng mga magulang mo diba? Kung kaya maghahagilap ka ng bagay na maaari mong gawing libangan, isa sa mga napagdidiskitan natin ay ang papel. Iba-iba ang ginawa natin sa papel, minsan nagdo-drawing tayo ng mga larawan na gawa sa mga sticks na linya. Madalas kong iguhit noon ang bahay tapos lalagyan ko ng mga tao saka kukulayan, kuntento na ako sa ganoong gawa ko dahil nga bata pa ako. Kung minsang wala kang pangguhit ay gagawin mo na lamang bangkang papel ang nakuha mo, o 'di kaya ay eroplano, basta may mailikha kang anumang bagay mula sa papel.


Mga unan at kumot

Minsan ang pagiging malikhain natin ay sadya nga naman medyo nakakatuwa kung iisipin. Sa personal kong karanasan, masasabi kong masayang maglaro gamit itong mga ito, pero syempre hindi mo ito pwedeng laruin mag-isa. Siguro kung gugustuhin mo pero masyadong boring naman yun. Gaya ng mga papel, marami ka ring pwedeng gawing laro sa mga unan at kumot niyo sa bahay, gaya na lang ng pillow fight na siyang patok sa karamihan, bahay-bahayan sa loob ng bahay at gawing long gown ang kumot na patok sa mga beki at girls.
Madalas lamang itong nilalaro sa inyong mga kwarto dahil baka kapag nasa sala kayo ay makurot pa kayo ng mga nanay niyo sa singit dahil makalat ang ganitong laro, naaalala ko pa nga na kumukuha pa kami ng mga unan at kumot sa kwarto ng mga magulang namin kapag kinakapos kami.


Brick Games

Siguro naman pamilyar ang karamihan sa laruang ito. Ito lang naman ang nagpasikat sa kasalukayang tetris game ng lahat. Noong bata pa ako hindi na siya gaanong mahal dahil nga naglipana na ang mga tamagotchi na isa rin sa mga gusto ko, gameboy at arcade na di hamak na mas magaganda ang laro. Pero kahit marami ng kalaban itong si brick game ay hindi pa rin siya papatalo, mas patok pa rin kasi sa ilang kabataan sa kapanahunan ko ang laro sa brick game dahil di hamak na mas marami kang pagpipilian, mula A-Z, yung nga lang pagdating mo sa M ata yun o N ay halos pare-pareho ng tetris, nagtalo lang sa konsepto ng laro, yung iba kasi pataas ang galaw ng brick at yung iba naman ay may umaangat na brick sa bawat lilipas na oras. Masarap din sa tainga ang tunog nito sa tuwing matatalo ka sa laro kaya naman kahit noong nauuso na ang mas makabagong laro ay hindi pa rin nawawala si brick game sa piling ng mga bata noon.


Ikaw, paano mo ba sinusulit ang oras mo sa tuwing umuulan at hindi ka pinapalabas ng nanay o tatay mo ng bahay? Ibahagi mo naman yan sa pamamagitan ng pagbibigay ng komento sa ibaba. Sana ay nakatulong ang mga isinulat ko upang muling magbalik sa inyo ang alaala ng inyong mga pagkabata.


Martes, Hunyo 2, 2015

Ang sarap maging bata

Sino bang hindi naranasan ang pagiging bata? Oo nga't bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang karansan ng pagiging bata. Marami sa atin makukulay ang karanasan pero meron din namang madilim ang karanasan. 
Matatawag kong makulay ang karanasan ko pagdating sa aking pagkabata. Ang panahon ko kasi ay ang panahon kung saan nahahati na sa makaluma at makabagong pamamaraan ang paglalaro. Sa panahon ko nauso ang mga laruang gaya ng tamagotchi, game boy, arcade, family computer at ang makasaysayang brick game. Subalit kahit noong mga panahong iyon umuusbong ang makabagong teknolohiya, hindi pa rin nawawala ang mga larong nakagisnan na ng mga magulang ko, natin, gaya ng teks, piko, patintero, tumbang preso, luksong baka, atbp.
Maaaring sa pamamagitan ng pagsusulat kong ito ay maihayag ko sa bagong henerasyon kung gaano kasarap ang pagiging bata sa pamamgitan ng mg bato sa kalsado, sa mga tansan na hinihingi ko sa tindahan.

Gusto ko ring alalahanin ng mga taong katulad ko na naranasan ang saya ng kabataan at ibahagi rin nila ang sarili nilang karanasan tungkol sa kanilang kabataan, masaya man yan o malungkot.
Sa mga susunod na posts ko ay ikukwento ko na kung paano ko ginawang makulay ang aking pagkabata