Hanapan ang Blog na Ito

Miyerkules, Hunyo 3, 2015

Ang mga bata sa tuwing umuulan (Indoor)

Nakatanaw sa bintana at hinihintay tumila ang ulan. Iyan ang eksena natin nung mga bata pa tayo sa tuwing uulan. Minsan pa nga gumuguhit pa tayo sa mga lupa ng pagkarami-raming araw sa tuwing nagdidilim ang kalangitan.
Syempre ayaw natin noong umulan dahil alam nating pauuwiin tayo sa ating mga bahay at doon lang hangga't hindi tumitigil ang ulan. Malungkot iyon dahil walang makakalaro sa bahay lalo na kung nag-iisang bata ka lang sa inyong bahay. Ngunit ganon pa man nahahanapan natin ng sulusyon iyan dahil likas na malikhain ang isip natin noon at sabik tayo sa paglalaro.
Ito ang ilan sa kanila;


                                                                        Toys

Napakarami nating mga laruan nung bata pa tayo, mga robots, toy cars, mga laruang makokolekta sa mga kiddie meal o happy meal ng fast food, maging mga doctos set, kitchen set, barbie, doll house at iba pa. Naalala mo pa ba? Diba karamihan sa mga iyan ay nakalagay sa isang malaking kahon o di kaya ay nakadisplay sa kwarto mo tapos kukuhain sa tuwing umuulan. Tapos kapag tumila na ang ulan ay iiwanan mo ang mga iyan na nakakalat sabay labas tapos pagagalitan ka ng nanay mo pag-uwi mo dahil hindi mo niligpit ang kalat mo kanina.
Diba ang sarap alalahanin ng mga ganyang panahon?


                                                                      Mga papel

Kung minsan nakakasawa ding laruin ang mga laruang binili sa'yo ng mga magulang mo diba? Kung kaya maghahagilap ka ng bagay na maaari mong gawing libangan, isa sa mga napagdidiskitan natin ay ang papel. Iba-iba ang ginawa natin sa papel, minsan nagdo-drawing tayo ng mga larawan na gawa sa mga sticks na linya. Madalas kong iguhit noon ang bahay tapos lalagyan ko ng mga tao saka kukulayan, kuntento na ako sa ganoong gawa ko dahil nga bata pa ako. Kung minsang wala kang pangguhit ay gagawin mo na lamang bangkang papel ang nakuha mo, o 'di kaya ay eroplano, basta may mailikha kang anumang bagay mula sa papel.


Mga unan at kumot

Minsan ang pagiging malikhain natin ay sadya nga naman medyo nakakatuwa kung iisipin. Sa personal kong karanasan, masasabi kong masayang maglaro gamit itong mga ito, pero syempre hindi mo ito pwedeng laruin mag-isa. Siguro kung gugustuhin mo pero masyadong boring naman yun. Gaya ng mga papel, marami ka ring pwedeng gawing laro sa mga unan at kumot niyo sa bahay, gaya na lang ng pillow fight na siyang patok sa karamihan, bahay-bahayan sa loob ng bahay at gawing long gown ang kumot na patok sa mga beki at girls.
Madalas lamang itong nilalaro sa inyong mga kwarto dahil baka kapag nasa sala kayo ay makurot pa kayo ng mga nanay niyo sa singit dahil makalat ang ganitong laro, naaalala ko pa nga na kumukuha pa kami ng mga unan at kumot sa kwarto ng mga magulang namin kapag kinakapos kami.


Brick Games

Siguro naman pamilyar ang karamihan sa laruang ito. Ito lang naman ang nagpasikat sa kasalukayang tetris game ng lahat. Noong bata pa ako hindi na siya gaanong mahal dahil nga naglipana na ang mga tamagotchi na isa rin sa mga gusto ko, gameboy at arcade na di hamak na mas magaganda ang laro. Pero kahit marami ng kalaban itong si brick game ay hindi pa rin siya papatalo, mas patok pa rin kasi sa ilang kabataan sa kapanahunan ko ang laro sa brick game dahil di hamak na mas marami kang pagpipilian, mula A-Z, yung nga lang pagdating mo sa M ata yun o N ay halos pare-pareho ng tetris, nagtalo lang sa konsepto ng laro, yung iba kasi pataas ang galaw ng brick at yung iba naman ay may umaangat na brick sa bawat lilipas na oras. Masarap din sa tainga ang tunog nito sa tuwing matatalo ka sa laro kaya naman kahit noong nauuso na ang mas makabagong laro ay hindi pa rin nawawala si brick game sa piling ng mga bata noon.


Ikaw, paano mo ba sinusulit ang oras mo sa tuwing umuulan at hindi ka pinapalabas ng nanay o tatay mo ng bahay? Ibahagi mo naman yan sa pamamagitan ng pagbibigay ng komento sa ibaba. Sana ay nakatulong ang mga isinulat ko upang muling magbalik sa inyo ang alaala ng inyong mga pagkabata.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento